Saturday, May 11, 2013

For a Special Woman


Ang Aking Nanay 
Joie (5/6/11)


Sa katanghaliang tapat nitong aming buhay
Katirikan ang init ng araw
Aming ina'y wala ng mapaglagyan
Mistulang ligaw na bulaklak sa daan

Hindi ka na alintana ng mga anak mong mahal
Pagka't hindi na makatungo,malayo na ang tinatanaw
Sa ihip ng hangin ika'y sumasayaw
Lahat kami iba na ang nais kaulayaw

Hindi na binigyang halaga ng mga anak mong alibugha
Mga dagok at hirap na iyong sinagupa
Gabing hindi naitulog,kaning ipinaubaya
Bigat ng dibdib na iyong iniluha

Babae mong anak kawangis mo sa iyong paningin
Noon ay nene kung iyong tawagin
Ngayo'y estranghera na kung sayo'y makatingin
Tila baga ika'y nananalamin

Mga anak mong lalake ngayo'y pag aari na ng iba
Hindi na iyo, ganap ng asawa't ama
Sa atensyon nila may kaagaw ka na
Apo na nga lang may kahati ka pa

Anak mong bunso 
Bawat daana'y may luha at dugo
Akala ata moog syang nakatayo
Sa tibay at tatag hindi na makayuko

Kami ay lumaki sa mapagpala mong kamay
Natuto at nagka-isip sa iyong gabay
Nabuo sa kaibuturan ng iyong dugo't laman
Ngayong nagkamalay , kalayaan ang isinisigaw

Kung kami noo'y pumapalahaw
Sa bawat sandaling hindi ka matanaw
Ngayo'y kanya-kanyang alsa balutan
Pag sasarili't kalayaan ang isinisigaw

Kami nga yata ang iyong sumpa
Na kailan ma'y hindi mo maitatatwa
Pagkat pagmamahal mo sa amin
Ay sadyang wagas at dakila

Salaula man kami sa iyong paningin
Pag kakausapin lahat ay iwas tingin
Yoon ay dahil mahirap lang tangapin 
Sadyang kami ay hindi na pwedeng  maangkin


Ang iyong laging turan
Ang utang na loob sa mga magulang
Kailan ma'y hindi matatawaran
Maliban sa pag dating ng araw 
Na ang AKO ay maging IKAW
Dun palang sasapat ang kabayaran


A girl at any age need a MOM to hug, and share a smile with. I'm not a perfect daughter, but you did just great. HAPPY MOTHER'S DAY! Thank you for everything. 




photo of Edward Mikehell Grylls

No comments:

Post a Comment